Mar.28

Financial Planning Mula sa Biblia

Bilang Kristyano ay naniniwala ako na ang Biblia ang pinakamagandang libro na nasulat dahil ito ay matuturing kong sulat ng pag-ibig mula sa Dios. Sa pagbabasa ng biblia ay tiyak na marami kang matututunan kung paano mamuhay ng may kapayapaan at meron ding mababasa na payo patungkol sa pananalapi. Hindi ako Pastor, Mangangaral, Evangelista o Ministro pero may mga natutunan din ako na konti na nagtuturo patungkol sa paghawak ng pananalapi mula sa Biblia. Narito ang mga ilang bersikulo at talata na masasabi ko na maaring magamit sa pagpapaplanong pampinansyal.

1. Ecclesiastes 11:2- “Magbigay ka ng bahagi sa pito,oo, sa walo;sapagka’t hindi mo nalalaman kung anong kasamaan ang mangyayari sa lupa.”

Dito ay nagtuturo ang Haring Solomon na pagbahabahagiin mo ang meron ka dahil may mga panganib na maaring mangyari. Ganun din naman sa ating pera ay mainam na ito ay pinaghihiwa-hiwalay. Meron kang lalagyan para sa savings, life insurance, at iba’t-ibang uri ng investments.


2. I Timoteo 6:10- “Sapagka’t ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan;na sa pagnanasa ng iba at nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.”

Dito ay sinasabi ni San Pablo na hindi dapat ibigin ang pera na dahil ang umiibig sa pera ay makagagawa na ng masasamang bagay tulad ng panglalamang sa kapwa,pagnanakaw, pagpatay at kung anu-ano pa. Mas mainam na maghanap buhay na kasang-ayon sa salita ng Dios.

3. Kawikaan 6:6-9- “Pumaroon ka sa langgam,ikaw na tamad;masdan mo ang kanyang mga lakad at magpakapantas ka: Na bagaman walang pangulo,tagapamahala, o pinuno, Naghahanda ng kanyang pagkain sa tag-init,at pinipisan ang kanyang pagkain sa pagaani.”

Dito ay nagpapakita na dapat ay matuto tayong magtabi ng ating kinikita hangga’t may kakayanan pa na kumita dahil darating ang araw titigil  tayo sa paghahanap buhay dahil sa katandaan, pagkakasakit o di kaya ay pagkamatay.

4. Lucas 14:28-“Sapagka’t alin sa inyo,ang kung ibig magtayo ng isang moog,ay hindi muna uupo at tatayahin ang mahalagang magugugol kung mayroong maipagtatapos?” 

Dito ay pinapakita na mahalaga ang mag-plano kung makakaya mo na mabayaran at matapos ang mga pinaplano mong pampinansyal sa buhay. Mahalaga na alam mo ang gusto mo, masusukat mo ba?pwede bang matapos sa panahon na gusto mo? at makatotohanan ba ang plano mo?

5. Hebreo 13:5- “Mangilag kayo sa pag-ibig sa salapi;mangagkasya kayo sa inyong tinantangkilik:sapagka’t sya rin ang nagsabi,sa anomang paraan ay hindi kita papagkulangin,sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan.”

Dito ay nagtuturo si San Pablo na huwag humigit sa mga gastusin na hindi kaya ng ating kinikita. Ito ay ang pamumuhay na angkop sa ating kita.

6. I Corinto 16:2-“Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa’t isa sa inyo at magbukod na magsimpan,ayon sa kanyang iginiginhawa.”

Dito ay nagtuturo si San Pablo ng pagbubukod ng kinikita na may disiplina sa paghawak ng ating pera. Maaring may porsyento sa kinikita mo sa pagtulong, pag iipon,pang gastos sa araw-araw,baon ng mga anak at iba pa.

7. Lucas 16:10-“Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami:at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.”

Dito ay nagsasaad na maaring maihantulad sa aspeto ng pananalapi na  kahit maliit or malaki ang ating kinikita ay pwede mo itong mapalago kung ikaw ay tapat.

Marami pang mga bersikulo at talata sa Biblia na nagtuturo ng magagandang kaalaman patungkol sa pampinansyal na aspeto na ating magagamit upang tayo ay maging responsable sa ating mga natatanggap na biyaya. Maganda na may giya ka mula sa Biblia kung paano mo ba gagamitin ang pera mo para sa ikaluluwalhati ng Dios. Ang pinaka magandang ekonomiya na alam ko ay ang sinasabi sa Mateo 6:33, “Ngunit hanapin muna ninyo ang paghahari ng Diyos at ang katuwiran,at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”

Maraming salamat sa pagbasa ng blog ko. God bless.

 

Archie M. Yuki
Financial Planner, Certified Investment Consultant and Insurance Specialist
EagleOne District Office Insular Life
6th floor I-Care Bldg. 167 Legaspi Street corner Dela Rosa Street
Legaspi Village Makati City
Mobile Number. 0917-5769607
Landline No.: 02-622-4328
Savings,Personal Finance,Financial Planning,Life Insurance,stock market,Financial Literacy